PIA Column

NMIS, NANAWAGAN SA PUBLIKO NA SURIIN ANG KARNENG BIBILHIN.
LUNGSOD NG LIPA,BATANGAS,Nobyembre 4(PIA)-Nanawagan sa publiko  ang pamunuan ng National Meat Inspection Service(NMIS) na maging maingat sa pagbili ng karne lalo ngayong malapit na ang Kapaskuhan.
Ayon kay Teresa Agno, consumer protection officer ng NMIS 4A,matibay ang sinasabi ng batas na may karapatan ang mga mamimili na magreklamo kapag sila ay binentahan ng mga botcha o “hot meat” sapagkat ito ay maaaring makapaglagay sa peligro sa buhay ng sinumang kakain nito.
Ang NMIS ay isang sangay ng Department of Agricuture na may mandatong bantayan ang kasiguruhan at proteksyon ng mga mamamayang kumukunsumo ng karne at produktong karne. Mahigpit nilang binabantayan ang mga pamilihan at supermarkets upang huwag kumalat at maibenta ang mga karneng botcha o “hot meat”na maaaring makaapekto sa mga kakain nito.
Maraming mga information disseminationawareness programs ang naturang tanggapan na nagbibigay ng tamang kaalaman para sa mga kunsumidores. Malimit silang magsagawa ng seminar on good meat handling sa mga consumers,meat handlers at para sa mga kawani ng pamahalaang lokal na namamahala nito.
Patuloy din ang ginagawang pag-ikot at pag-inspeksyon ng Task Force Bantay karne upang tingnankung ang paraan ng pag-handle at pagbebenta ng karne ng mga magtitinda ay umaayon  sa itinakda ng batas. Ang mga karneng ibinebenta ay dapat nakalagay sa tamang lalagyan, kung ito ay frozen meat dapat nakalagay sa freezer at kung chilled meat ay nakalagay sa chiller.
“Ang mga panindang karne po tulad ng frozen products ay dapat nasa tamang lalagyan at hindi nakalabas o naka-display dahil maaaring pagmulan po ito ng bacteria. Kapag bibili ng karne dapat hanapin ang meat inspection certificate na siyang katunayan na dumaan sa tamang meat handling ang karneng bibilhin at kinatay ito sa akreditong katayang bayan at dumaan sa pagsusuri ng lehitimong meat inspector”,dagdag pa ni Agno.
Nagbigay payo din ito na ilan sa mga paraan upang alamin kung ang karneng bibilhin ay botcha o double dead ay ang sumusunod:pagbili   sa lehitimong meat vendor at hindi nabili sa murang halaga,kailangang may meat inspection certificate na nakasaad kung kailan kinatay,saang slaughterhouse kinatay at may pirma ng meat inspector. Dapat ding tingnan ang kasariwaan ng karne gamit ang five senses ,walang malansa at masangsang na amoy,hindi nakababad sa yelo,hindi lulubog ang kamay sa balat ng karne kapag hinawakan at akma ang kulay ng karneng baboy,baka o manok.
Sinabi pa ni Agno na karaniwan ay tumatagal ang buhay ng karne walong oras matapos itong katayin at kapag napanatili ang kasariwaan nito ay maaari itong iproseso na tocino o longganisa .Aniya pa,dapat ay iwasan din ng mga manininda ang paggamit ng pulang ilaw sapagkat ito ay nagbibigay ng ilusyon sa mga mamimili na mapula ang kulay ng karne.Pati ang pagbubuhos ng dugo sa karne ay hindi rin nararapat.
Ayon sa Consumers Act of the Phils.kapag lumabag ang mga manininda sa panuntunang ito ay maaari silang magmulta ng mula P100k hanggang P1M depende sa bigat ng kanilang paglabag.
Noong nakaraang Oktubre lamang ay ipinagdiwang ang National Meat Consciousness Month at maraming mga information campaigns ang isinagawa ng NMIS upang ipaalam sa publiko ang mga hakbang na  ginagawa ng ahensya gayundin ang karapatan ng mga mamimili .      (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS)

the noblest motive is the greatest good for the greatest number