Isang 17- year old Senior high school student ang tinanghal na Ms. Talent sa Talent Competition ng Bb. Lungsod ng Batangas 2018 dahilan sa kanyang mahusay na performance ng contemporary dance.
Siya ay si Kristine Angela Catilo ng Barangay Pallocan West at estudyante ng STI Batangas. Ayon sa kanya, bagamat siya ay isang dancer, ito aniya ang unang pagkakataon na magperform siya ng contemporary dance sa saliw ng awiting “Malaya” na pinasikat ng singer na si Moira Dela Torre. Si Catilo din ang napiling Ms Friendship.
Iba’t-ibang uri ng sayaw ang ipinamalas ng mga kandidata tulad ng modern dance, interpretative dance at ibat-ibang uri ng ballroom dance. Mayroong kumanta, tumula, tumugtog ng ukulele at nagpakitang gilas sa pagmamagic.
Napili namang Ms Dzayrable Skin si Michelle Anne Mendoza at Ms 2GO Travel si Joyce Camille Perez.
Tinanghal na Ms Photogenic at Bb Lungsod ng Batangas Charity si Andrea Loise Macaraig dahilan sa siya ang may pinakamaraming tiket na naibenta para sa Talent Show. Ayon sa Cultural Affairs Committee, P 140,000 ang kabuuang halagang nalikom sa naturang kompetisyon na gagamitin upang pambili ng school supplies na ipagkakaloob sa mga batang nabibilang sa mga pamilyang higit na nangangailangan.
Nagwaging Bb Makakalikasan si Quinnie Faye Espeleta sa Question and Answer hinggil sa kapaligiran dahilan sa kanyang kasagutan sa kung ano ang kanyang maiaambag sa pangangalaga sa kapaligiran at pagsusulong sa mga environmental programs at projects ng lokal na pamahalaan. (PIO Batangas City)