Tinanggap ni Mayor Beverley Rose Dimacuha
(PIO Batangas City) Tinanggap ni Mayor Beverley Rose Dimacuha ang 50 units ng E-trikes mula sa Department of Energy (DOE) sa turn-over ceremony sa Plaza Mabini, ngayong araw na ito bilang ang lungsod ay recipient ng Market Transformation through Introduction of Energy Efficient Electric Vehicles Project ng nasabing ahensya.
Ang three-wheeled e-trikes na ito ay environment-friendly sapagkat gumagamit ng kuryente sa halip na gasolina o diesel upang mabawasan ang carbon emissions sa kapaligiran. Ito ay pwedeng magsakay ng limang pasahero bukod ang driver.
Layunin ni Mayor Dimacuha na ipamahagi ang mga e-trikes sa mga kwalipikadong tricycle drivers bilang bahagi ng kanyang livelihood program.
Ang DOE ay kinatawan nina Engr. Arnel Mathew Garcia, supervising science research specialist at Engr. Jorge Vincent Bitoon, senior science research specialist kasama ang mga kinatawan ng BEMAC na siyang distributor ng e-trikes.
Ayon kay City Environment and Natural Resources Officer (CENRO) Oliver Gonzales, ang proyektong ito ay karaniwang ipinagkakaloob sa mga syudad sa National Capital Region (NCR), ngunit ng mabalitaan ito, kaagad ay nagpadala ng letter of intent si Mayor Dimacuha kasunod ang submission ng mga requirements at deployment plan.
Napili rin ang lungsod na maging recipient ng e-trikes project dahil na rin sa mga programa at kampanyang pangkalikasan na ipinatutupad tulad ng Local Climate Change Reduction Plan na naglalayong mabawasan ang carbon monoxide emission mula sa mga sasakyan.
Isinagawa na rin ang blessing ng mga naturang sasakyan.
Pinag-aaralan ngayon ng E-trikes Project Management Team kung sino ang mga karapatdapat pagkalooban ng e-trikes. Ang team ay binubuo nila CENRO head Oliver Gonzales, Transportation Development and Regulatory Office (TDRO) OIC Francis Beredo, General Services Officer Joyce Cantre, City Engineer Adela Hernandez, City Treasurer Nila Olivario, Batangas City Fire Marshall Elaine Evangelista, Konsehal Boy Dimacuha-Chairman Committee on Transportation, Konsehal Gerry dela Roca- Committee on Environment at iba pang miyembro ng Sangguniang Panlungsod .
Ilan sa mga qualifications ng mga beneficiaries ay dapat aktibo at mabuting miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA), walang anumang police records, pending traffic violation records, may kakayanang mag mentena ng e-trike, may garahe at iba pa.
Ayon kay Gonzales nagkaroon na ng mga pagpupulong ang E-trike Management Team at ang TODA kaugnay nito.
Ang isang unit ng e-trike ay nagkakahalaga ng P455,000.00 kung saan lithium ion ang battery nito, tatlong oras ang full charging na kayang tumakbo hanggang 50 kilometro. Ang mga e-trikes ay Land Transportation Office (LTO) -registered na at mayroon na ding comprehensive insurance.
Ayon sa guidelines, ang magiging beneficiaries nito ay dapat sumunod sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) fare matrix.
Nakapalob din sa guidelines na ang city government ang magme maintain ng mga e-trikes, kung saan may mga trained city government employees na gagawa at magkukumpuni sakaling masira ang unit.
May mga trained drivers na empleyado ng pamahalaang lungsod, na siyang magtuturo sa mga beneficiaries sa pagmamaneho ng e-trikes.
Ang city government ang magpapagawa ng mga charging stations para sa mga e-trikes.
Pinag-aaralan pa ng team ang maintenance fee na maaring singilin sa mga beneficiaries. (PIO Batangas City)
Rural Improvement Club
March 22, 2017 Sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan ngayong Marso, binigyang diin ni Mayor Beverley Rose Dimacuha ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ng mga babae bilang katuwang ng kanilang mga asawa sa pagtataguyod ng pamilya.
Naging panauhin ang Mayor sa 2nd General Assembly ng Batangas City Rural Improvement Club Marketing Cooperative (BCRICMC) na ginanap sa Research Training Center sa OCVAS noong ika-22 ng Marso.
Ang mga kababaihan ang nasa likod ng tagumpay ng BCRICMC kayat binigyang pugay din niya ang nagagawa ng mga ito sa pag-angat ng ekonomiya sa pamamagitan ng kooperatiba.
Binanggit ni Mayor Beverley ang pagkakaroon ng maayos na pamamalakad at kooperasyon sa grupo upang maging matagumpay ang kanilang samahan.
“Ang kooperatiba ang inyong magiging tulay sa kaginhawahan”, kayat ito ay inyong pag-igihan, ani Dimacuha.
Pinayuhan din niya ang may 82 myembro ng BCRICMC na pagtuunan ng pansin ang “packaging” ng kanilang produkto upang mas maraming consumers ang tumangkilik nito at mas makilala ang kanilang produkto.
Isang magandang halimbawa nito ay ang banana chips ni Edna Dimayuga ng barangay Tingga Itaas. Siya ay produkto ng mga seminar sa OCVAS at isa sa mga matugumpay na entrepreneurs ngayon sa lungsod. Nagumpisa sya sa maliit na puhunan at dahil sa tulong ng pamahalaang lungsod ay napalago niya ito. Ini-export na ngayon ang kanyang mga produkto.
Ipinabatid ni BCRICMC Chairman Mirriam Catapang ang patuloy na tagumpay ng Pasalubong Center, isang proyekto ng RIC na sinimulan noong 2007 sa panahon ni Mayor Eduardo Dimacuha. Dito isino-showcase ang mga produkto ng mga kababaihan ng ibat-ibang barangay.
Nagsimula sa taunang kita na P 800,000, ipinagmamalaki ni Catapang na ang Pasalubong Centter kumita noong 2016 ng mahigit sa P2 milyon. Mayroon ding balik tangkilik ang mga myembro simula ngayong taong ito.
Lubos din ang kanilang pasasalamat sa patuloy na suportang ipinagkakaloob ng pamahalaang lungsod. Magkakaroon na sila ng pwesto sa Grand Terminal na inaasahang mabubuksan sa buwan ng Hunyo.
Idinagdag pa ni Catapang na higit nilang palalawakin ang kanilang proyektong One Product One Barangay.
Nagpaabot ng pagbati at nakiisa din sa naturang okasyon sina OIC-Admin Division Chief Flora Alvarez, Supervising Cooperative Development Specialist Mercy Mandigma, Asst City Veterinarian Dra Loyola Bagui at Executive Assistant Edel Perez. (Ronna Endaya Contreras)