Ika-119 na Araw ng Kalayaan ng Perlas ng Silangan. Ipinahayag ni Gov. Dodo Mandanas ang kahalagahan ng Araw ng Kalayaan ng bansang Pilipinas sa isang makulay at makahulugang paggunita nito na ginanap sa Marble Terrace ng Kapitolyo, Lungsod ng Batangas noong ika-12 ng Hunyo 2017. Kasamang nakiisa sa pagdiriwang ang panauhing pandangal na si retired Supreme Court Associate Justice Angelina Sandoval-Gutierrez (2nd mula kaliwa), na tubong Alitagtag, Batangas; (mula kaliwa) Vice Gov. Nas Ona; Atty. Gina Reyes –Mandanas; Deputy Speaker at 2nd District Congressman Ranie Abu; 5th District Congressman Marvey Mariño; at ang Direktor ng Instituto Cervantes Manila mula Espanya, Señor Carlos Madrid Alvarez-Piner. Vince Altar / Photo: Eric Arellano – Batangas Capitol PIO
Isang madamdaming palabas patungkol sa mga pangunahing kaganapan sa pakikipaglaban ng mga Pilipino para sa kalayaan laban sa mga dayuhan ang ibinahagi ng mga mag-aaral mula sa Taa National High School. Inisa-isa ng panauhing pandangal na si Retired Supreme Court Associate Justice Angelina Sandoval-Gutierrez na ang mga kaaway sa kasalukuyan ng bayan ay iligal na droga, kahirapan, dysfunctional families, graft and corruption, at terorismo. Ipinahayag naman ni Gov. Dodo Mandanas ang kahalagahan ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng bansang tinagurian ni Dr. Jose Rizal na Perlas ng Silangan.
Ito ang ilan sa mga makukulay at makahulugang mga kaganapan sa ika-119 na paggunita ng Independence Day ng Pilipinas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas na ginanap sa Marble Terrace sa Kapitolyo, Lungsod ng Batangas noong ika-12 ng Hunyo 2017.
Hindi inalintana ng mga mag-aaral na gumanap bilang mga Katipunero at iba’t ibang mga bayani sa kasaysayan ng Pilipinas ang sikat ng araw at init ng pinagdausang sahig. Masugid din naman silang pinanuod ng mga opisyal at kawani ng pamahalaang panlalawigan at mga bisita sa kabila ng init ng panahon.
Binigyang-diin naman ni Justice Sandoval Gutierrez, na tubong Alitagtag, Batangas, ang halaga ng panalangin at pamumuhay bilang mabubuting mamamayan, sa pamahalaan man o sa pribadong sector, upang malabanan ang mga kaaway ng lipunan.
Binigkas pa ni Gov. Mandanas ang ilang memoryadong linya mula sa tulang “Mi Ultimo Adios” ni Gat Jose Rizal upang mas maipahayag ang pagmamahal sa bayan n gating pambansang bayani. Binigyang pansin din niya na, bagama’t naging mananakop ng mga Pilipino ang Espanya, naging instrumento naman ang pangyayaring ito upang mapagbuklod ang mga Pilipino sa iisang bansa at mabuksan ang ating buhay sa Kristiyanismo.
Nakiisa din sa pagdiriwang, na sabay-sabay ginanap sa bawat bayan ng Pilipinas, sina Atty. Gina Reyes Mandanas, Deputy Speaker at 2nd District Congressman Ranie Abu, 5th District Congressman Marvey Mariño , Vice Gov. Nas Ona, mga Board Members, mga konsehal ng Lungsod ng Batangas at mga kinatawan ng iba’t ibang national agencies at private sector.
Naging panauhin din ng pamahalaang panlalawigan ang Direktor ng Instituto Cervantes Manila, na ang layunin ay mapalaganap sa mundo ang paggamit, pagtuturo at pag-aaral ng Espanyol bilang pangalawang wika, si Senor Carlos Madrid Alvarez-Piner.
Natapos ang programa sa pormal napagbubukas ng art exhibit ng mga piling Batangueño at Chinese calligraphy artists sa Bulwagang Batangan ng Kapitolyo, kung saan hinarana ang mga panauhin ng St. Teresa’s College Cherubim. Vince Altar / Batangas Capitol PIO