Gold Winners

Batangas City delegation, nanalo ng gold at iba pang medalya sa Palarong Pambansa

 

Nanalo ng dalawang gold, tatlong silver , limang bronze at limang fourth places ang seven-member delegation ng Batangas City sa katatapos lamang na 2017 Palarong Pambansa na ginanap noong ika-23 hanggang 29 ng Abril sa San Jose de Buenavista, Antique.

Nakakuha ng dalawang gold sa swimming ang 6th grader na si Jake Ellis Evagelista ng Batangas Christian School kung saan nagpakitang gilas siya sa 400 m freestyle at 4x100m relay. Nanalo rin siya ng isang silver sa 200m individual medley.

Isang silver din ang iniuwi ni Bryle Reynielle Magnaye ng University of Batangas sa light middleweight category ng Taekwando.

Bukod dito, tinanghal din ang delegasyon bilang kampeon ng Para-Games at nakasungkit ng pangatlong pwesto bilang Most Disciplined Delegation.

Nakopo naman ng National Capital Region (NCR) ang tropeo bilang overall champion ng Palarong Pambansa, habang first runner-up ang Team Calabarzon na kinabibilangan ng Batangas City.

Ayon kay Nicolas Asi, EPS 1 In-charge of Sports ng DepEd Batangas City, halos lahat ng estudyante na ipinadala ng lungsod ay may pwesto sa naturang kompetisyon. “Hindi sila nawala sa top-10 sa kanilang mga sinalihang events,” dagdag pa niya.

“Mayroon tayong 2 golds, 3 silvers, 5 bronze at limang 4th place finishers para sa kampanya ng Batangas City ngayong taon. Patunay lamang ito na kung may tamang training kasama ang suporta ng magulang at pamahalaan, walang imposible,” sabi ni Asi.

Bumisita sa tanggapan ni Mayor Beverley Rose Dimacuha ang mga naturang estudyante upang iprisinta ang kanilang mga medalya at upang pasalamatan ang punong lungsod sa suportang ibinibigay ng pamahalaan sa mga aktibidad ng DepEd Batangas City.

Nakatakdang iharap sa mga kawani ng city government ang lahat ng players at coaches na lumahok sa Palarong Pambansa sa Lunes, May 8, upang gawaran ng certificate of appreciation at ibigay ang cash incentives na inilaan para sa kanila. (JERSON J. SANCHEZ)

the noblest motive is the greatest good for the greatest number