First Mobile Library in Town

Mobile Library ng Bayan ng Rosario, Batangas, layuning mahikayat at makatulong sa mga bata upang matututong magbasa

Ilulunsad ng Bayan ng Rosario , Batangas ang kauna-unahang Municipal Mobile Library ng Bayan. Ito ay gaganapin  Pebrero 28, 2017 (Martes) sa Rosario East Central School at sa Marso 1, 2017 (Miyerkules) sa Rosario West Central School.

“Layunin natin na sa pamamagitan ng ating Mobile Library ay mapanariwa ang interes ng ating mga kabataan sa pagbabasa at pag-aaral,” ani Vice Mayor Leovigildo K. Morpe na siyang nagpasimula ng konsepto ng isang Mobile Library. Lubha siyang nabahala nang malaman niyang maraming mag-aaral sa mga pampublikong paaralang elementarya ang mayroong problema sa pagbabasa. Kaya’t sa tulong ng iba pang stakeholders ng edukasyon, naisip nila na malaki ang maitutulong kung ang mga bata ay magkakaroon ng pagkakataong makakita at makagamit ng pasilidad ng isang aklatan.

Pagpapatuloy pa ni Vice Mayor Morpe, “Malayo sa ating Pambayang Aklatan ang marami sa ating mga barangay. Kaya’t walang pagkakataon ang marami sa ating mga kabataan na gumamit ng pasilidad ng isang aklatan. Sa pamamagitan ng pagdadala mismo sa kanilang barangay ng isang aklatan, hangad natin na mas maging interesado ang mga kabataan sa pagbabasa at mabawasan na ang bilang ng mga batang hindi nakakabasa o nahihirapang magbasa.”

Bukod sa matututo ang mga bata na magbasa, magiging inspirayon din ng mga bata ang mga taong tumutulong sa kanila at sa bahay ay madadala nila ang kanilang pagnanais makapagbasa sa halip na manood ng telebisyon na karamihan ay hindi nagdudulot ng aral at bagkus ay nagiging sanhi ng hindi magandang asal, lalo kung hindi nasusubaybayan ng mga magulang ang kanilang panonood.

Bukod sa mga librong pambata, mayroon ding laptop na may internet connection ang Mobile Library upang maranasan ng mga bata ang pananaliksik gamit ang modernong teknolohiya. Mayroon ding mga puppets at magkakaroon ng puppet shows para maka-engganyo sa mga bata.

Kabilang sa mga tumulong upang maging matagumpay ang pagkakaroon ng Mobile Library ang Rosario ang Bloomberg Philippines, World Vision, Congresswoman Lianda Bolilia, Teodoro M. Luansing College of Rosario, De La Salle Lipa, Department of Education, at iba pang stakeholders ng edukasyon.

 

the noblest motive is the greatest good for the greatest number