2,000 barangay at SK candidates lumahok sa Unity Walk at Peace Covenant
BATANGAS CITY- Sa kabuuang 2,771 kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections, halos 2,000 ang lumahok sa Unity Walk at Peace Covenant Signing nitong May 8, tanda ng kanilang pakikiisa sa layunin ng pamahalaan na magkaroon ng isang maayos, patas at mapayapang halalan.
Ang gawaing ito ay magkasamang itinaguyod ng Batangas City Philippine National Police, Commission on Elections at Department of Interior and Local Government.
Nagsimula ng 6:00 ng umaga ang Unity Walk sa harap ng Police Station papuntang Batangas City Sports Coliseum kung saan ginanap ang isang maikling programa at ang Covenant Signing.
Sinabi ni P/Supt Sancho Celedio, OIC chief of Batangas City Police, na “dapat maitanim sa puso’t isipan ng ating mga kandidato na ang layunin ng kanilang pagtakbo ay upang maging public servants kung kayat unang una ay dapat silang sumunod sa mga batas na ipinatutupad.”
Ayon naman kay PSSUPT Edwin Quilates, OIC BPPO, lubos ang kanyang paniniwala na malaki ang magagawa ng isinagawang inisyatibong pangkapayapaan upang maseguro na walang mangyayaring kaguluhan sa lalawigan pagsapit ng eleksyon.
Nagbigay naman ng babala si Atty. Grollen Mar Liwag, city election officer sa Batangas City, sa mga kandidato na sumunod sa mga batas sa panahon ng kampanya at sa araw ng halalan. Ito ay alinsunod sa Comelec Resolution No. 10294 na umaayon sa RA 9006 o the Fair Elections Act. Ilan sa mga ito ay ang pagsunod sa common poster areas na awtorisado ng Comelec, pag-iwas sa paglalagay ng campaign materials sa mga punong-kahoy, at ang pagsunod sa gun at liquor ban. Pwede lamang gumastos ang isang kandidato ng P5 bawat isang registered voter.
Sinabi ni DILG City Directior Amor San Gabriel na iwasan ng mga kandidato ang manira ng kalaban at huwag magpadala sa init ng ulo upang maging maganda ang buong proseso ng kampanya at halalan.
Nagkaroon din ng Balik Armas ceremony na pinangunahan ni Association of Barangay Captains (ABC) President Dondon Dimacuha kung saan pansamantalang inihabilin ng mga gun owners ang kanilang armas sa PNP.
Kasunod nito ay ang panunumpa ng mga kandidato na iiwasan nila ang anumang karahasan, pagbili ng boto, paninira sa mga kalabang kandidato at kung maihalal ay gagamitin ang katungkulan sa kagalingan at kaunlaran ng barangay at ng lungsod sa halip na pansariling kapakanan at pang-aabuso ng kapangyarihan.
Nangako naman naman ang mga pumirmang kandidato sa peace covenant na kikilalanin ang kasagraduhan ng mga balota at ang karapatan ng mga botante na malayang makapili ng kanilang kandidato. (PIO Batangas City)