SP hinihiling sa DPWH na maglaan ng special tricycle lanes sa diversion road
Isang resolusyon ang inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod ng Batangas ngayong May 29 na humihiling sa national government partikular sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na maglagay ng special tricycle lanes sa diversion road sa barangay Balagtas upang makapagbiyahe ang mga tricycles dito.
Ito ay bilang tugon sa mga kahilingan na payagan ang mga tricycles sa diversion road kung saan naririto ang grand terminal, ilang hospital at commercial establishments at itinuturing ngayon bilang isang growth area.
Ang resolusyon ay isa sa rekomendasyon ng Committee on Transportation na pinamumunuan ni Councilor Oliver Macatangay sa isinagawang committee hearing noong ika-12 ng Marso hinggil sa pagbabawal sa mga tricycle sa diversion road.
Dumalo sa nasabing hearing si Transportation Development and Regulatory Office (TDRO) OIC Engr. Francisco Beredo kung saan sinabi niya na nakasaad sa Batangas City Code of General Ordinance Article 6, Sec. 16 na “no tricycles shall operate/ be driven in violation of national laws” at sa Sec. 27 na “tricycles are not allowed to operate along national highways and all other streets that may be prescribed by the Tricycle Franchising Regulatory Committee (TFRC).”
Ayon naman sa isa pang attendee sa hearing na si City Administrator Narciso Macarandang, taong 2007 ng nagpalabas ng Memorandum Circular 2007-01 ang Department of Interior and Local Government (DILG) na nagbabawal sa mga tricycle at pedicab na mag-operate sa mga national highways na mayroong dumaraan na four-wheel vehicles na may bigat na higit sa apat na tonelada at ang normal speed limit ay lumalampas sa 40kph.
Nilinaw naman ni Derwin Panganiban mula sa Land Transportation Office na ayon sa LOI 1942 Section 10, hindi maaaring dumaan ang mga tricycle sa national highway maliban na lamang kung maglalagay ng special lanes para sa mga ito.
Bukod sa resolusyon, ilan sa mga rekomendasyon ng komitiba ay ang pagdetermina ng TDRO sa klasipikasyon ng diversion road at patuloy na pagbabawal sa mga tricycle na dumaan sa diversion road hangga’t wala pang malinaw na classification ang naturang kalsada.
Nangako naman and Sangguniang Panglungsod at TDRO na hindi sila titigil hangga’t hindi sila nakakakita ng posibleng alternatibong ruta para sa mga tricycle na hindi kailangang dumaan sa diversion road.