Mga kabataang nabiyayaan ng Educational Assistance mula October
Tinatayang may bilang na 1,097 ang kabuuan ng mga kabataang nabiyayaan ng Educational Assistance mula October 19 hanggang 27, 2017 sa Lalawigan ng Batangas. Ito ay sa ilalim ng programang pang-iskolar sa pangunguna ni Batangas Gov. Dodo Mandanas para sa unang semester sa taunang panuruan 2017-2018.
Ayon kay Executive Assistant Merlita S. Pasatiempo, itinalagang tagapagtaguyod ng programa, umabot na sa labing isang libo ang bilang ng mga kabataang Batangueño iskolar sa kasalukuyan. Ito ay inaasahang aabot sa 20,000 sa taong 2018 at 30,000 sa taong 2019 ayon sa nais maabot na target ng panlalawigang pamahalaan.
At para sa patuloy na pag-angat ng kalidad ng edukasyon, kasalukuyang under construction ang isang 2-storey, 6 classroom building sa Lucsuhin Elementary School ng Ibaan. Sa Bayan ng San Juan, isang 2-storey, 6 classroom building ang ipinagagawa sa Barualte Elementary School at 2-storey, 8 classroom building sa Subukin Elementary School. Isinasaayos naman ang isang school building sa San Juan West Elementary School sa nasabi ring bayan.
Layunin ng programang ito na maiangat ang antas ng edukasyon ng mga kabataang Batangueño at ng pamilyang kanilang kinabibilangan sa lalawigan na sang-ayon sa programang HELP ng administrasyong Mandanas. Jhay Jhay Pascua/PIO Capitol Batangas