BATANGAS CITY – Handa na ang Batangas City Police na ipatupad ang Oplan Ligtas Undas upang tumutok sa seguridad lalo na sa mga sementeryo, piyer at grand Terminal at umalalay sa mga pasahero na inaasahang dadagsa para sa araw ng mga patay sa November 1.
Ayon kay P/Supt Norberto Delmas, babantayan ng mga pulis ang lahat ng mga sementeryo mula October 31 hanggang November 2.
Ipinaaalala rin niya na mahigpit na ipagbabawal ang magdala ng mga armas, deadly weapons, alak at maiingay na bagay sa sementeryo. Tututukan din ng pulisya ang mga lugar na maraming tao tulad ng mall, simbahan at pamilihan.
May mga public assistance desks na maaring makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at maging sa mga local traffic units para sa deployment ng mga road safety marshal sa mga estratehikong lugar.
Samantala, kasado na din ang paghahanda ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CRRMO) ngayong undas kung saan ang magiging command post ay sa CDRRMO sa Bolbok. Tutulong din sila sa mga public assistance desks ng mga pulis.
Kasama sa mga public assistance desks na ito ang PNP, Bureau of Fire Protection, City Health Office, Crime Watch Force, barangay tanod, TDRO, DSS at iba pang NGOs. LIZA PEREZ DE LOS REYES/PIO Batangas City