Acting chief ng PNP itinalaga
Isang civil engineer at tubong Cebu ang bagong acting chief ng Batangas City Police na si PSupt. Wildemar Tan Tiu,39, na ang isang prayoridad sa kanyang pag-upo ay ang pananatili ng disiplina ng kapulisan at ang pagpaparusa sa mga nagkakasala o lumalabag sa batas.
Sa courtesy call ni Tiu kay Mayor Beverley Dimacuha ngayong Martes, , hiniling sa kanya ng mayor na panatilihin ang katahimikan at kaayusan ng lungsod at ipagkaloob ang serbisyong inaasahan sa kanila ng publiko. Ipinaabot din ni Mayor Dimacuha ang suporta nila ni Cong. Marvey Mariño sa mga programa at hakbang ng Batangas City PNP para masugpo ang kriminalidad.
Tiniyak naman ni PSupt Tiu na isasabuhay ng buong kapulisan sa Batangas City ang kanilang tagline na “to serve and to protect.” Ipatutupad niya ang basic military leadership kung saan may mga pagkakataong magiging authoritative siya lalo’t higit ay sa pagdidisiplina sa mga pulis, subalit paiiralin din niya ang demokrasya. “I will observe punishment and reward . PNP personnel caught violating any police procedure will be dealt with accordingly; those who are doing their job well deserve to be given reward as well,” sabi ni PSupt Tiu.
Umaasa si Tiu na sa pagtutulungan ng Batangas City PNP, volunteer groups at buong komunidad ay mababawasan ang krimen at mabilis na mareresolba ang mga kaso.
Si Tiu ay naging station commander ng tatlong police stations sa Cebu hanggang sa maitalagang chief of police ng Cabuyao City bago mai-assign sa Batangas City. ( PIO Batangas City)