Isinagawa ng Muslim Community sa Batangas City
Isang Peace Forum ang isinagawa ng Muslim Community sa Batangas City noong July 10 sa layuning mapanatili ang katahimikan dito at maiwasan ang anumang makakapagdulot ng gulo at makakaapekto sa kanilang maayos na pamumuhay. Ito ay may temang “Fighting Violent Extremist Ideology and Radicalism Towards Peaceful, Productive and Progressive Muslim Communities”.
Mayroong mahigit sa 1000 Muslims ang nakatira sa may 11 barangay sa lungsod kagaya ng Malitam, Cuta at iba pa. Ayon sa kanila, napili nilang manirahan sa Batangas City dahil tahimik dito. Marami sa kanila ay pagtitinda ang hanapbuhay at mayroon ng mga lupa at bahay dito.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Congressman Marvey Mariño na panahon pa ni dating Mayor Eduardo Dimacuha ay mayroon ng magandang relasyon ang Muslim community at ang city government kung kayat sila ay maayos na nabubuhay at tinatanggap dito. Binanggit din niya na ng magkagera sa Marawi, isa ang Batangas City sa agarang tumulong at nagdala ng mga tulong na ito sa Marawi.
“Iwasan po natin ang mga taong maghahasik ng karahasan kung kayat mag-usap at magkaunawaan tayo kung mayroon kayong problema. Magkaroon tayo ng respeto sa isa’t isa kahit ano ang ating relihiyon,” binigyang diin ni Mariño. Sana aniya ay hindi na mangyari ang naging gera sa Marawi sa anumang lugar sa bansa.
Sinabi naman ni City Administrator Narciso Macarandang na kung walang matahimik at maayos na Muslim community at kung walang lubos na partisipasyon at suporta nila ay hindi makakamtan ang isang matahimik, produktibo at maunlad na Batangas City.
Ayon sa mga resource speakers buhat sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF), ang ugat ng karahasan ay galit, frustration, pagkamuhi at diskriminasyon. “Discrimination, unjust and corrupt socio-political and economic system leave radicalized individuals with no way out.” Ang violent extremism anila ay nagdudulot ng mental disorder at depression, violation of human rights, deterioration of physical and mental fitness, pagkawala ng kabuhayan, displaced teachers at students, unemployment, paglala ng kahirapan, diskriminasyon at mababang morale. Ang pinakamalaking impact sa bansa ay ang kaguluhan at pagbagsak ng ekonomiya at investments.
Upang maiwasan ang violent extremism at radicalism, kailangan ng community profiling o ma identify ng Muslim community ang kanilang mga miyembro at ang mga bagong dating na Muslim sa kanilang lugar. Kailangang itaas ang level of awareness o kaalaman ng komunidad sa banta ng violent extremism, maging vigilant at magkaroon ng pakikipag-ugnayan at kooperasyon sa pamahalaan at mga awtoridad. Maging familiar sa kapaligiran at manatiling alerto. Mahaga ring bumuo ng Ulamah and Elders Council na may awtoridad o boses sa mga affairs ng Muslim.
Mahalaga ding magabayan ang mga kabataan sa paggamit ng social media sapagkat ito ang ginagamit ng extremist Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa pangeengganyo at recruitment ng mga tao upang sumanib sa kanila. Binanggit nilang halimbawa ang Bohol kung saan nakipagtulungan ang buong komunidad sa mga awtoridad upang mapigilan ang pagtigil dito ng mga Maute terrorists na tumakas mula sa military operation sa Marawi at naging daan sa pagkakahuli sa mga ito.
Ipinakita rin ang video ng nangyaring gera sa Marawi at ang brutal na pagpatay ng mga ISIS sa mga bihag nito. Binigyang diin ng resource speaker na si Pol/Chief Inspector Apolinario Palomeno, chief operations and head of Police Community Relations ng Batangas City PNP na ang “security is everyone’s concern” kung kayat kailangang magkatulong tulong ang buong komunidad sa pagsugpo ng karahasan at mapangalagaan ang seguridad.
Nilinaw naman ni Atty. Dalomilang Parahiman , CESE regional director ng NCMF South Luzon Regional Office , na ang “karahasan ay walang puwang sa Islam” sapagkat ang Islam ay tumatayo sa kapayapaan. (Angela J. Banuelos PIO Batangas City)