Public schools handa na
BATANGAS CITY- Naging maayos ang pagbubukas ng klase sa dalawang public schools sa lungsod kung saan may sapat na silid-aralan, guro at libro kahit na nagkaroon ng pagtaas sa kanilang enrollment.
Ayon sa principal ng Batangas National High School (BNHS) na si Lorna Ochoa, “minor problems” lamang ang kanilang naranasan sa pagbubukas ng klase kagaya ng kakulangan sa requirements ng mga late enrollees tulad ng classcard at certification sa Good Manners and Right Conduct ng pinanggalingang paaralan.
May 6,700 ang kabuuang bilang ng mag-aaral ngayon sa BNHS para sa grades 7-10 at madadagdagan pa sa pagdagsa ng mga late enrollees. May 138 sections mula grade 7-10 na binubuo ng 45-50 mag-aaral sa bawat klase.
Sinabi ni Ochoa na malaking factor sa pagtaas ng populasyon dito ay ang pagbaba ng bilang ng bullying cases at kaguluhan kung kayat madami ang naengganyong mag-aral dito.
“Mayroon kaming prefect of discipline, guidance program at mga aktibong PTA Officers na katulong namin sa pagdidisiplina ng mga mag-aaral upang masiguro ang kaayusan at katahimikan sa paaralan,”dagdag pa ni Ochoa.
Malaking tulong din na ang mga guro na ang nagsasakripisyong lumilipat ng silid aralan mula sa isang gusali patungo sa kabilang gusali hindi tulad noon na ang mga buong klase ang naglilipatan, Sa mga paglipat na ito ng klase sa ibang gusali nagkakaroon ng pagkakataon ang ilang eskwela na magcutting class kapag nayaya ng mga kabarkadang lumabas kung kayat ito ay nagbunga ng mataas na drop out rate.
Ipinabatid din ng principal na bukas na ang Malitam NHS na annex ng BANAHIS, May tatlong sections dito na binubuo ng 144 grade 7 students. Naka angkla ito sa kanila hanggang sa maging stand- alone tulad ng Libjo NHS.
Bagamat may sapat na bilang ng silid aralan para sa kanilang mag-aaral, humihiling sila ng tulong sa pamahalaang lungsod para sa konstruksyon ng kanilang SPED building. May Dep Ed order aniya hinggil sa “inclusive education for SPED” kung saan isasama na ang mga ito sa regular class.
Nasa East Elementary School ang kanilang 13 SPED students.
Ipinatutupad din nila ang internal policy kung saan pumayag ang mga magulang na magsagawa ng community service tulad ng paglilinis ang kanilang mga anak kapag lumabag sa batas upang tumanim sa isip ng bata na mali ang kanyang ginawa.
Bilang punong guro ay ginagawa ni Ochoa ang lahat ng kanyang makakaya upang maisaayos ang BANAHIS. “Ang end goal namin ay mapatapos sila hanggang grade10, mabigyan ng tamang kaalaman at mahubog ang magandang ugali ng aming mag-aaral.”
Naniniwala siya na ang values ay napakahalaga. “Madadala niya ito sa sa pamilya at sa lipunan kung kayat dapat maganda ang formation nito. Ang ugali ang basic foundation dahil kung maganda ang ugali, everything will go well, pagkakalooban ka ng Diyos ng talino dahil sumusunod ka sa Kanyang kalooban,” paliwanag ni Ochoa.
Samantala, “smooth sailing” ang unang araw ng klase sa Julian A. Pastor Memorial Elementary School (JAPMES) ayon kay Concepcion Pasia, guidance counselor ng naturang paaralan.
Bagamat aniya may mga late enrolees, wala silang malaking problemang na naranasan sa pagbabalik-eskwela ng kanilang 1,738 estudyante para sa school year 2018-2019. Mula sa limang sections, naging pito na ito na may 40 hanggang 50 mag-aaral bawat section.
Sinabi rin ni Pasia na sapat ang silid aralan, 1:1 ang ratio ng aklat sa eskwela at may mga bagong guro na ipinagkaloob sa kanila.