Sisimulan na’ – DS Abu
P524-M Batangas City-Bauan Access Road, sisimulan na’ – DS Abu KABUUANG P524-milyong badyet ang inilaan ng pamahalaang nasyunal para pondohan ang Batangas City-Bauan Access Road na inaasahang siyang solusyon sa patuloy na bumibigat na daloy nga trapiko mula sa Lunsod Batangas hanggang sa mga bayan ng San Pascual, Bauan, Mabini at San Luis na inaasahang matatapos sa taong 2020. Ito ang masayang ibinalita ni Deputy Speaker Raneo E. Abu, kinatawan ng Ikalwang Distrito sa Mababang Kapulungan ng kongreso na daglian ding kinumpirma ni District Engineer Edwin Abrigonda ng Batangas 2nd Engineering District. Pahayag ng konggresista, naisubasta na nitong Oktubre 18 ang P400-milyon ng kabuuang P524milyong badyet. Umaabot sa P150-milyon nito ay nakalaan sa right of way acquisition samantalang P250-milyon naman ang nakalaan sa civil works. Samantala, ang natitira namang P124-milyon ay nakalaan para sa dalawang tulay na may right of way at ito ay for bidding pa. Matatandaang sa mga campaign speeches ni DS Abu bago ang 2016 elections, ay ipinangako niyang isusulong niya ang pagresolba ng lumalalang problema sa trapiko mula Batangas City hanggang Bauan at Mabini at isa rito ang pagkakaroon ng access road mula sa bahagi ng Brgy. Manghinao I sa bayan ng Bauan, lalagos sa mga barangay Mataas na Lupa, Palsahingin, San Mateo, Bayanan at Banaba sa San Pascual pa-timog-silangan sa Barangay Banaba West, Banaba South, at Balagtas ng Batangas City. “Bahagi ito ng ating ipinangakong proyekto para sa distrito at sa ating lalawigan, kaya naman patuloy natin itong tinutukan at sinuguro sa sa mga isinagawang budget hearing ng kongreso na makasama ito sa mga priority projects na ipatutupad ng DPWH,” pahayag pa ni DS Abu. “Two weeks ago, nagkaroon na ng pagpupulong iyong mga may-ari ng lupa na taga-San Pascual, mga kinatawan ng regional at district offices ng DPWH, pati ang kontratista. Kinausap na ang mga may-ari ng lupang madaanan ng proyekto na magsimula ng mag-ayos ng mga papeles at ipinaliwanag din sa kanila itong bagong batas sa usapin ng right of wayna kung sakaling hindi papayag ang may-ari ng lupa ay idudulog ang usapin sa husgado na kapag nakapagdeposito na ang DPWH ng katumbas ng 10% ng laang kabayaran ay deretso na ang proyekto,” dagdag pahayag pa ng kongresista. Dahil dito, on-going na ngayon ang pagpoproseso ng mga kinakailangang papeles at sa ngayon nga ay sa mismong District Office na ni DS Abu dinadala ang mga naturang papeles kung saan may nakatalagang tauhan ng DPWH ang siyang tumatanggap nito upang hindi na maabala pang sa Batangas City iproseso ang mga ito. Kapag naisumite na aniya ang mga naturang papeles, maaari nang mag-isyu ng permit to enter ang DPWH sa kontratista upang magsimula ng ground clearing. Inaasahang bago matapos itong buwan ng Nobyembre 2017 ay magsisimula na ang earth moving sa boundary ng Banaba West (Batangas City) at Banaba (San Pascual) pa-ilaya sa Brgy. Bayanan at San Mateo. Bidded na rin aniya yung paunang Php 49-milyon para sa taong 2017. Kaalinsabay nito ay sasabay na ng pagbubutas yung bahagi ng 5th District mula sa Brgy. Banaba West patungong Balagtas (Batangas City). “Bago matapos ang taong 2019 inaasahang magiging passable na ang kabuuan ng access road na ito at tuluyang bubuksan sa taong 2020,” dagdag pa ni Abu. Aniya pa, huwag sanang asahan kaagad ng publiko an kongkretong daan agad ang access road na ito, ngunit nakatitiyak naman na kahit lupa pa ito ay talagang matigas gaya ng Lipa City-Alaminos (Laguna) Road na magiging maayos danan ng anumang klaseng sasakyan.