NEWS RELEASE 

PBBM, Tiniyak ang patuloy na pagtulong sa mga binagyo sa Cebu

November 8, 2025

SHARE THIS STORY

FacebookTwitterEmail

“As long as the national government is needed, we will be here. We are not leaving.”

Ito ang tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang talumpati matapos ang situation briefing sa Cebu Provincial Capitol nitong Biyernes.

Tiniyak ng Pangulo na hindi iiwan ng pamahalaan ang mga pamilyang sinalanta ng bagyo hanggang sa sila ay ganap na makabangon.

“We will be helping the families of those na naging casualty. We will help them back on their feet and do what we can to make up for the loss that they have suffered,” ayon sa Pangulo.

“I made the same promise to Cebu, your Governor and your Mayor, that as long as the government is needed, we will be here. We are not leaving,” dagdag pa ng Pangulo.

Nagpaabot din ng taos-pusong pakikiramay si Pangulong Marcos sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at tiniyak na patuloy silang tutulungan ng pamahalaan sa kanilang pagbangon.

Bago ang naturang briefing, bumisita ang Pangulo sa Bayan ng Liloan at Lungsod ng Talisay upang personal na silipin ang isinasagawang relief at recovery operations ng iba’t-iibang ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay PBBM, bukod sa pamamahagi ng pagkain, tubig, at iba pang pangunahing pangangailangan, magbibigay din ng tulong pinansyal sa mga pamilyang napinsala ang mga bahay.

“Ang binibigay natin ngayon ay PhP5,000 para sa mga may partially damaged na bahay, at PhP10,000 naman para sa mga completely damaged na bahay, upang mayroon silang magamit sa muling pagpapatayo ng kanilang tahanan,” paliwanag ng Pangulo.

Kasabay nito, nagpadala rin ang pamahalaan ng mga medical team upang magamot ang mga nasugatan at maiwasan ang pagkalat ng sakit sa mga evacuation center.

Ipinaliwanag ng Pangulo na ang pangunahing pinsala ng bagyo ay dulot ng matinding pagbaha, hindi ng malalakas na hangin.

Nasira ang ilang flood control structures gaya ng mga dike at harang sa tubig dahil sa dami ng ulang bumuhos.

Tinalakay rin ni Pangulong Marcos ang plano ng pamahalaan hinggil sa relokasyon ng mga pamilyang nakatira sa mga no-build zone.

Nakikipag-ugnayan na aniya ang pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang ligtas na lilipatan at mabigyan ng pansamantalang tirahan ang mga hindi pa makababalik sa kanilang mga tahanan.

Samantala, pinaalalahanan ng Pangulo ang mga lokal na opisyal na manatiling alerto at handa, kahit na hindi direktang tatamaan ng paparating na sama ng panahon ang Visayas region.

“Sa tingin namin, hindi naman dadaan yata dito sa Visayas, pero mag-ingat pa rin lahat. At hindi natin alam dahil kami kung minsan lumilipat.Kami naman nayon, Northern Luzon and Central Luzon ang nag-aabang para dito sa Uwan na parating,’ayon kay Pangulong Marcos.

Ang Severe Tropical Storm Fung-wong, na papangalanang Uwan sa bansa, ay inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng hatinggabi ng Biyernes o maagang Sabado ng umaga. | PND

the noblest motive is the greatest good for the greatest number