Mga Bagong Benepisyo

               Para sa Elderly

Palakat. Bumisita sa Batangas City ngayong ika-12 ng Pebrero para sa isang press briefing si Senior Citizens Party List Representative Congresswoman Milagros Aquino-Magsaysay upang hingin ang suporta ng mga lokal na mamamahayag na ipabatid sa publiko ang mga bagong benepisyo ng mga katatandaan at upang hikayatin ang mga ito na ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Bukod sa mga benepisyo sa ilalim ng Republic Act 9994, o ang Expanded Senior Citizens’ Act of 2010, ilan pa sa mga isinusulong na panukala upang maisabatas ni Magsaysay ay ang pagtatayo ng Philippine Geriatric Hospital na sya ring magsisilbing training ground para sa mga geriatric doctors at nurses; pagtatayo ng provincial, regional at national Senior Citizen’s Dialysis Center; Elderly Daycare Centers na maaaring pag-iwanan sa mga matatanda habang nagtatrabaho ang kanilang mga anak; at ang Elderly anti-abuse bill na magbibigay proteksyon sa mga pang-aabuso sa mga katatandaan. 

Ibinahagi din niya ang kanyang naging pakikipag-ugnayan sa Philhealth upang magkaroon ng diskwento ang mga senior sa check up at sa laboratory sa mga hospital bukod pa sa primary care benefits na ipinagkakaloob sa mga ito. 

Mabibigyan na din aniya ng prayoridad ang mga matatanda sa pagpila at pagdulog sa PCSO.

Isusulong din ani Magsaysay na madagdagan ang social fund upang makapagbigay ng P1000 pension kada buwan para sa lahat ng 60 taong gulang pataas na senior citizen kahit hindi nabibilang sa pamilyang higit na nangangailangan maliban na lamang sa mga tumatanggap na ng pension. 

Sa kasalukyan ay may walong milyon ang kabuuang bilang ng mga senior citizen sa bansa. Mayroon silang 12% na VAT exemption at 20% senior citizen’s discount. Sila ang isa sa mga sektor ng lipunan na nakakatanggap ng pinakamaraming benepisyo mula sa sa pamahalaan. 

Binigyang diin din sa naturang okasyon na liable sa criminal offense ang sinumang lalabag sa RA 9994 o yaong hindi magbibigay ng diskwento sa mga katatandaan. 

Nanawagan si Magsaysay sa mga senior citizens na ipaglaban ang kanilang mga karapatan at pribilehiyo kung ito ay nilalabag o hindi tinugunan ng mga concerned sectors. Isang halimbawa na tinalakay dito ang on-going case ni Eduardo Borja na nagdemanda sa isang ospital sa Batangas City, ang kauna-unahang kasong naisampa sa korte hinggil sa overcharging at hindi pagbibigay ng tamang diskwento sa mga senior citizens.

 

the noblest motive is the greatest good for the greatest number