Mayors Cup 2018

 

Teamwork, sportsmanship, at camaraderie. Ito ang binigyang diin ni punong lungsod Beverley Rose A. Dimacuha sa pormal na pagbubukas ng Mayor’s Cup 2018 noong ika-8 ng Abril sa Batangas City Sports Coliseum na sinaksihan ng mga manlalaro at mga taga-suporta ng naturang torneo. 

Ani Dimacuha, “maraming benepisyong makukuha sa paglalaro ng sports, hindi lamang sa pangkalusugan kundi maging sa disiplinang ibinibigay nito.” 

“Nagsimula tayo ng maayos, kaya’t inaasahan ko na matatapos tayo ng maayos at mapayapa kagaya ng mga nakaraang edisyon ng Mayor’s Cup. Isa ito sa mga pioneer project ng administrasyon simula pa sa panahon ni Mayor Eddie, kaya’t buong-buo ang suporta namin sa larangan ng sports,” dagdag pa niya.

Dumating din sa opening ng palaro si Congressman Marvey Marino na nagbigay din ng mensahe sa mga koponan. 

“Layunin ng Mayor Beverley Rose A. Dimacuha Cup na ma-develop hindi lamang ang galing ninyo kundi higit sa lahat ang tamang pag-uugali o attitude sa paglalaro ng basketball. Sabi ko nga sa team ng Batangas City sa Maharlika Cup, kahit hindi tayo manalo, ang mahalaga maibigay natin ang buong puso natin sa paglalaro dahil ito ang tatak ng mga Batangenyo,” ani Marino.

Inihayag rin ni Marino na kung sinuman ang tatanghaling Most Valuable Player (MVP) ng Seniors Division, bibigyan ito ng pagkakataong mapasali sa line-up ng Batangas City Tanduay Athletics na kumakampanya sa MPBL na ikinatuwa ng lahat ng mga players.

Para sa basketball, mayroong labing-dalawang teams para sa Senior’s Division na may age bracket mula 20-39 years old, samantalang 22 koponan naman ang kalahok sa Juniors Category na may age bracket mula 19 years old pababa at tatlong teams ang nabuo para sa Midget Division na may age bracket mula 12 years old pababa.

Bukod sa basketball, may 12 teams naman ang sumali para sa Volleyball men, at anim para sa Volleyball women. Mayroon ding 3 koponan ang lumahok para sa baseball at isa naman para sa softball. 

Samantala, tinanghal na Best Muse ng liga si Danielle Ambida mula sa Barangay Alangilan. Siya ay tumanggap ng P2,000, sash at tropeo.

the noblest motive is the greatest good for the greatest number