PISAY Nagdaos ng Family Day

 

Bukod sa pagbibigay ng mataas na antas ng edukasyon, pinalalakas din ng Phiippine Science High School (PISAY) Calabarzon sa Batangas City ang magandang samahan ng pamilya ng mga estudyante kung kayat sa ikatlong taon ay idinaos nito ang Annual Family Day na may temang “One PISAY: FAMILY T.I.E.S (Together In Every Situation) noong Linggo sa Batangas City Sports Coliseum.

Ayon sa PISAY, magandang okasyon ito upang magkaroon ng family bonding at magkakilala at mabuo ang magandang ugnayan ng mga pamilya ng mga estudyante na buhat sa iba’t ibang probinsya ng Calabarzon at iba pang rehiyon. Ito ay pinamahalaan ng Parents Teachers Association. 

Upang mapalawak ang kaalaman ng mga magulang sa tamang pagpapalaki ng anak na angkop sa panahon ngayon na maraming kinakaharap na problema sa mga kabataan, nagdaos ng Parenting for Millennials Seminar kung saan naging resource speaker si Dr. Emmanuel F. Silan na isang human behavior and communications specialist.

Ayon kay Dr. Silan, dapat maipadama ng mga magulang ang kanilang “unconditional love” sa mga anak ng may pagsasaalang alang sa pagtutuwid ng kanilang pagkakamali at pagdisdisiplina sa mga ito. Pinaalalahanan rin niya ang mga magulang na iwasan ang madami, mahaba at paulit ulit na pagse- sermon o “nagging” sa mga anak at sa halip ay magkaroon ng maayos ng komunikasyon. Kung kelangang pagsabihan ang mga anak, mag focus lamang sa naging kasalanan nila sa halip na atakihin ang pagkatao. Higit sa lahat aniya ay dapat manaig ang tiwala at respeto sa bawat isa.

Nagkaroon din dito ng mga palaro, presentation ng talento ng buong pamilya at mga group quizzes.

Samantala, iniulat ni Dr. Jose M. Andaya ang ilan sa mga accomplishments ng PISAY Calabarzon Campus, kagaya ng pagiging rank 5 nito sa 14 na PISAY Campuses sa bansa sa over-all ranking ng 2017 Readiness Exam, kung saan rank no. 1 sila sa Filipino, no. 5-English, no. 6-Math at sa Integrated Science at rank no.7 sa Social Sciences. ” Ito ay patunay na magaling ang pagkakapili ng mga estudyante at mahuhusay ang mga teachers na nakuha ng PISAY.” Sabi ni Dr. Andaya.
Ayon pa rin kay Dr. Andaya, kinukumpleto na rin ang pasilidad ng paaralan na nasa barangay Sampaga, Batangas City.

Ginagamit na ngayon ang Academic building no. 1, boys residence hall at cafeteria. Nakatakda naman ang blessing/ inauguration ng Administration building sa November 8. Nagsimula na rin ang konstruksyon ng Academic building no. 2 at girls dormitory. Uumpisahan sa 2018 ang labing isa pang infrastructure projects ng paaralan.

Inaasahang makukumpleto ang pasilidad ng paaralan bago magtapos ang 1st batch of graduates nito na ngayon ay nasa grade 9. (PIO Batangas City)

the noblest motive is the greatest good for the greatest number