Batangas City finalist
Sa ikatlong mgkasunod na taon, naging finalist muli ang
Barangay Conde Itaas, Batangas City bilang Outstanding Barangay Nutrition Committee at sa ikalawang pagkakataon, si Graciana Suarez ng naturang barangay naman bilang Outstanding Barangay Nutrition Scholar sa 2017 Regional Nutrition Awarding Ceremony for CALABARZON na ginanap sa I’M Hotel sa Makati City noong ika-4 ng Disyembre.
Tinanggap ni Pangulong Apolinario Camo ang plake para sa barangay habang si Suarez naman ay tumanggap ng plake at cash prize na P 3,000.
Kasama rin ng delegasyon ng Batangas City ang hepe ng City Nutrition Division na si Luciana Aclan.
Ang pagpili sa mga nagwagi ay isinagawa sa pamamagitan ng pagbisita ng mga myembro ng Regional Nutrition Council CALABARZON sa ibat-ibang lungsod at lalawigan upang magsagawa ng ebalwasyon at matutukan ang implementasyon ng nutrition program.
Ilan sa mga programa ng Barangay Nutrition Committee (BNC) ng Conde Itaas ay ang patuloy na edukasyon sa wastong pagkain at pamamaraan ng pag-iwas sa sakit, sanitasyon, pangangalaga sa buntis at mga sanggol, pagpaplano ng pamilya at ang pag-iwas at pagkontrol sa mga nakakahawang sakit at epidemya. Hangad ng kanilang feeding program na mapababa at tuluyang mawala ang bilang ng mga malnourished sa kanilang barangay. Isinusulong din nila ang zero homebirth sa barangay. Nagsagawa din sila ng “Pabasa”ukol sa Nutrisyon at nagkaroon ng fund- raising activity na tinaguriang ‘’Basura Mo, Hakot Ko, Pondo Ko”upang matustusan ang mga proyekto ng BNC.
Plano ng barangay na magtayo sa susunod na taon ng sariling Nutrition Center.
Ayon kay Regional Nutrition Program Coordinator ng National Nutrition Council IV-A Carina Santiago, ang nabanggit na parangal ay isinasagawa taun-taon ng National Nutrition Council.
Sinabi naman ni Suarez na “malaking bagay ang suporta ng lokal na pamahalaan upang masiguro ang kalusugan ng mga mamamayan partikular ang mga ina at mga bata”.
Tinanghal na Regional Outstanding BNS in the Region si Irene Neulid ng Tagaytay City. Nakopo naman ng Brgy. San Antonio, Binan City ang Regional Outstanding Barangay in the Region samantalang ginawaran ng Award of Merit for Maintaining CROWN Award ang Sta. Rosa City.