Job fair ng Batangas City at DOLE plus livelihood training ng TV Patrol idinadaos sa Sports Coliseum
BATANGAS CITY-May 1,400 vacancies para sa local employment at 5,000 naman para sa overseas jobs ang nakalaan sa mga aplikante sa “Handog ni Mayor Beverley Trabaho para sa mga Batangueno” job fair na idinadaos ngayong araw na ito sa Sports Coliseum handog ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng Public Employment and Service Office(PESO) sa pakikipagtuwang ng Department of Labor and Employment(DOLE).
May 30 local employers at 10 international companies ang lumahok sa job fair na ito kung saan ang mga kailangang local jobs ay sa sales, marketing, skilled workers, safety officers, customer service representatives, management trainees, nurses, engineers and architects. Ang mga overseas jobs naman na open sa Taiwan ay mga nursing aides at factory wprkers; sa Australia ay mga scaffolders, blaster at painters, rigger/dogger, mooring master at iba pa; sa Kuwait at Saudi Arabia ay mga nurses at skilled workers; at sa Japan ay sa painting, welding, machine inspector, fishing, industrial packaging at iba pa.
Ayon kay PESO Manager Noel Silang, ang job fair na ito ay bilang pagdiriwang ng Labor Day sa May 1 at isang pagtulong sa mga naghahanap ng trabaho. Payo niya sa mga aplikante na maging handa bago mag-apply, magsuot ng tamang attire at dapat ay maraming dalang resume para mas madami ang ma aplayan at ang chances na matanggap sa trabaho.
Sinabi naman ni Dole Provincial Director Emma Tan na kakaunti ngayon ang nakasaling local employers dahilan sa hindi na nila pinapayagan ang mga may pending cases sa DOLE at kinakailangan munang humingi ng clearance sa DOLE. Hindi na rin kasama rito ang mga manpower agencies maliban sa janitorial at maintenance services. “Pinakamaraming vacancies ay sa manufacturing kung saan kailangan ang mga production operators na dapat edad 18 taong gulang pataas at high school graduate,” sabi ni Tan.
Nagsalita rin sa job fair na ito si Bert Apostol, executive producer ng TV Patrol na isa ring katuwang ng pamahalaang lungsod at DOLE sa job fair na ito kaugnay ng 30th anniversary ng nasabing programa ng ABS-CBN. Nagsasagawa sila ngayon ng livelihood training sa empanada-making at magbibigay ng starter kit para sa mga nais pumasok sa ganitong negosyo at nagbibigay din ng financial literacy bilang public service nila sa kanilang anniversary celebration. Laan namang magbigay ng financial assistance na P5,000 ang DOLE sa mga nais magsimula ng isang maliit na negosyo.
Para sa aplikanteng si Christian Cavite ng Paharang East, walang trabaho sa kasalukuyan, nais niyang mag-apply bilang structural welder sa abroad sapagkat mayroon na siyang work experiences sa local companies. Ang fresh graduate naman na si Martinez Garciana na nagtapos ng Business Information Management, ay nais mag apply ng office work sa marketing o kaya naman ay bilang sales clerk o cashier.
Umabot na sa 820 ang aplikante bandang 11:00 ng umaga kung saan 420 ang babae at 400 ang lalake at inaasahan pang dadami hanggang hapon. (PIO Batangas City