Isinagawa ang blessing at turn over ceremony ng Beverley Rose A. Dimacuha (BRAD) type school stage kaninang umaga (March 1) sa Parang Cueva Elementary School sa San Andres, Isla Verde sa pangunguna nina Cong. Marvey Mariño at Mayor Beverley Dimacuha.
Nakasama nila dito sina City Schools Superintendent, Dr. Donato Bueno, Island District Supervisor, Vicenta Ebora, Chairman, Committee on Education ng Sangguniang Panlungsod, Coun. Alyssa Cruz, Coun. Serge Atienza, Batangas City Chief of Police, PSupt Wildemar Tiu, Punong Barangay Arnold Briton mga kagawad at residente ng San Andres.
Nagpasalamat si Dr . Bueno kina Mayor Dimacuha at Cong. Marvey dahil nabigyang katuparan ng mga ito ang kanilang kahilingan. Aniya, ngayon ay may maayos na lugar na pagdarausan ng mga programa ang mga mag-aaral at guro dito. May 172 estudyante at walong guro kasama na ang principal sa paaralang ito. “Kahit maliit na paaralan ang Parang Cueva ay tumanggap na ito ng mga awards kagaya ng 3rd place Best Brigada Implementer- Small Scale Category sa buong bansa at 2nd place Most Innovative School sa lungsod ng Batangas,” dagdag pa ni Bueno.
Ayon naman kay Pangulong Briton maari ring gamitin ang stage sa mga programa at pagtitipon ng barangay.
Kasabay ng naturang blessing at turn over ay nagsagawa naman ang City Health Office-EBD Health Card Division ng pagre renew ng Health card sa may 208 card holders ng brgy. San Andres. Ito ay upang hindi na maabala at mamasahe papuntang bayan ang mga card holders para sa renewal ng kanilang card.
Nagbigay naman ng mga tungkod ang City Social welfare and Development Office (CSDWO) sa panguguna ni Mila Espanola CSWD Officer. Nagsagawa rin ang mga ito ng pagbisita at pakikipag-usap sa mga senior citizens ng barangay.
Nag-inspeksyon ng mga istraktura ang mga kawani ng City Engineers Office at ina-assess ng Batangas City PNP ang peace and order situation sa San Andres at karatig barangay. (PIO Batangas City)