Isang esplanade kung saan pwedeng mamasyal at mag relax ang mga tao ang pinaplanong itayo sa tabi ng Calumpang River, sa Sitio Ferry Kumintang Ibaba, isang proyekto na inaasahang magpapalago sa turismo ng Batangas City.
Ito ay ang proposed Batangas City Esplanade Project na inendorso ng Sangguniang Panglungsod sa pamamagitan ng resolusyon noong September 25 sa Department of Budget and Management (DBM) para mapondohan at maisakatuparan ang naturang proyekto. Inaasahan itong masisimulan sa isang taon. Ang pondo na manggagaling sa DBM ay mula sa share ng lungsod para sa Local Government Support Fund Assistance to the Cities(LGSF-AC) in the FY 2018 General Appropriations Act or R.A. No. 10964 for the Development of City’s Open Spaces.
Ayon sa resolusyon, ang Batangas City Esplanade ay magbibigay ng isang magandang recreational avenue para sa mga mamamayan. Layunin din ng proyekto na ma-maximize ang mga ‘open spaces’ sa lungsod upang hindi magsilbing ‘eyesore’ at mas mapakinabangan ng mga tao.
Sa isinagawang committee hearing noong September 24, inihayag ni Arch. Gerry Palas ng City Engineer’s Office ang ilan sa specifications ng naturang plano.
Aniya, ilan sa disenyo nito ay ang riprap na may murals, extended balcony, seating areas with overlooking river view, paved two-way jogging lane, planting strip, two-way bicycle lane, proposed amphitheater, paved open spaces, at mga commercial lots.
“Ang ini-expect po natin dito ay ang karagdagang boost sa ating turismo. Sa ating datos, 20,000 pong mga residente mula sa 10 barangays na malapit sa area ang makikinabang dito. Hindi pa po kasama ang karagdagang 10,000 mga tao mula sa nearby barangays na dumadaan sa lugar na ito araw-araw,” sabi ni Palas.
Ayon kay City Planning and Development Officer Januario Godoy, hindi maapektuhan ang mga residente partikular ang mga informal settlers sa Sitio Ferry sapagkat ang Esplanade project ay ilang metro ang layo sa residencial area.
Binuksan din ang ilang concerns kagaya ng mga rampa para sa mga Persons With Disabilities (PWDs) at mga parking space para sa mga nagbibisikleta.
Humingi naman ng kasiguruhan si Konsehal Serge Atienza, acting chairman ng Committee on Laws, Rules and Regulations, sa paglalagay ng commercial space para sa mga nagnanais magbukas ng negosyo sa lugar.
“Dapat nating masiguro na mayroong espasyo para sa mga commercial establishments. Isa ito sa mag-ge-generate ng malaking income at negosyo sa ating mga kababayan ” sabi pa ni Atienza.
Samantala, ipinabatid ni Engr. Godoy sa naturang committee hearing na may nakalatag na ring mga programa ang pamahalaang lungsod para sa rehabilitasyon ng Calumpang River na nagiging daluyan ng dumi buhat sa mga livestock sa lungsod at karatig bayan. (PIO Batangas City)