Isinagawa ang kauna unahang Patimpalak sa Makabagong Panunula 2018 na may temang “Ganda ng Batangas” na nilahukan ng mga senior high school students sa Batangas City sa SM Event Center noong August 1. Layunin nito na mapalago ang turismo sa lalawigan ng Batangas sa pamamagitan ng patimpalak na ito na sumesentro sa ganda ng probinsiya.
Ito ay joint project ng Girl Scout of the Philippines Batangas City Council, Batangas Lions Club at ng SM City Batangas.
Tinanghal na kampeon si Sunshine De Castro, senior high school student ng Golden Gate Colleges (GGC). Siya ay tumanggap ng trophy, cash prize na P7,000 at gift certificate mula sa SM City Batangas.
Pangalawa si Carmella Fritz Briones ng Alangilan NHS, pangatlo si Zandra Arago ng Marian Learning Center and Science High School at ikaapat si Cedrick Delos Reyes ng Conde Labac NHS.
Ayon kay Bokal Claudette Ambida na syang Committee Chairperson ng Turismo sa Sangguniang Panlalawigan, layunin ng nasabing kompetisyon na maisulong ang turismo sa lalawigan sa pamamagitan ng pagpopromote ng ganda ng Batangas at hangad din nito na mapalaganap at mapagyaman ang paggamit ng wikang Filipino lalo na ngayong ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika.
Ang spoken poetry ay isang klase ng pagtatanghal na ginagamitan lamang ng salita. Ito ay isang pasalitang uri ng sining at nakapokus sa aestetiko o arte ng mga pyesa, pagbigkas ng salita, punto at boses. Ito ay tintawag ding “catchall” dahil sakop nito ang lahat at kahit ano pa amng uri ng mga tulang pabigkas gaya ng hiphop, jazz poetry, poetry slams, traditional poetry readings at maaari ding samahan ng komedya o mga prosing monologo.
May 16 na senior high school students mula sa ibat-ibang pribado at pampublikong paaralan sa lungsod ang nagtagisan ng galing dito. Ang pyesa ng mga kalahok ay orihinal at sarili nilang likha.
Naging batayan sa pagpili ng mga nagwagi ang mensahe/nilalaman, pagtatanghal, memorya at linaw at ganda ng boses o pagsasalita.
Nagpaabot ng mensahe si OIC Schools Division Superintendent Dr Donato Bueno sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Dep Ed Program Supervisor Ederlinda Lontok kung saan hinikayat niya ang mga kabataan na pahalagahan at ipagmalaki ang wikang Filipino.
Natatanging bilang ang spoken poetry ng Batanguenong semi-finalist ng Pilipinas Got Talent na si Antonio Bathan Jr. na isa din sa mga hurado ng kompetisyon.(PIO Batangas City)