Mga drug surrenderers sumali sa parol-making contest ng PNP
BATANGAS CITY- Upang maging produktibo ang mga voluntary drug surrenderers sa lungsod, nagdaos ng contest sa paggawa ng parol ang Batangas City Philippine National Police (PNP) kung saan ang bawat grupo ng kalahok ay kumakatawan sa kanilang mga barangay.
Ayon kay Acting Chief of Police Wildemar Tan Tiu, malaking tulong ang gawaing ito sa mga nagnanais na magbagong buhay. “Ilang araw pa lang ako bilang acting COP dito sa lungsod ay nadaragdagan ang mga drug users na boluntaryong sumusuko. Kaya patuloy ang ating kapulisan sa pag momonitor at pag a asses kung talagang nagbago na o hindi na gumagamit ng droga ang mga sumuko,” sabi ni Tan Tiu.
Ayon naman sa mga pangulo ng barangay na kalahok, hindi naman sila mahirap turuan kasi kapag mayroon silang pinagkakaabalahan kagaya ng pag gawa ng parol at tutok sa mga ginagawa, nagiging creative sila dahil gusto talaga nilang matuto.
Ang mga pamantayan sa pag mamarka ng parol ay ang mga sumusunod: Dapat ay may creativity; maari lamang gumamit ng mga recyclable materials at ibang indigenous materials at may overall impact at presentation.
Nanalo ng first place ang Barangay Calicanto, 2nd ang Barangay 6 at 3rd ang Barangay 12. Ang mga winners ay tumanggap ng cash prizes na P5,000, P3,000, at P2,000 para sa 1st, 2nd at 3rd plus P1,000 consolation prize para sa mga hindi nanalo. (PIO Batangas City.)