Pangulong Marcos iniutos ang agarang ayuda sa mga residenteng apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon

May 4, 2026

SHARE THIS STORY

FacebookTwitterEmailShare

“We are all ready kung anong pangangailangan nila.”

Ito ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes kaugnay sa mga residente ng Albay na naapektuhan ng matinding ashfall mula sa Bulkang Mayon na bumalot sa ilang bayan simula noong Sabado.

Nauna nang inatasan ng Pangulo ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na tingnan ang sitwasyon, magbigay ng agarang tulong medikal, at magsagawa ng clearing operations sa mga apektadong lugar.

“I have just received – last (Sunday) night, I was receiving report nung mga pinapunta namin at (Public Works and Highways) Secretary Vince (Dizon) was also there, DSWD (Department of Social Welfare and Development). We are all ready kung anong pangangailangan nila,” sinabi ni Pangulong Marcos sa isang ambush interview sa pagbubukas ng 7.88-km Cavite-Laguna Expressway (CALAX) Subsection 3, sa General Trias, Cavite.

“Right now… kailangang linisin ang mga kalsada dahil sa ashfall. At ang DOH nandoon din at nagbigay sila ng mga mask para…sa usok at saka sa mga fumes na lumalabas,” dagdag pa ng Pangulo.

Ayon sa Pangulo, nakipag-ugnayan na siya sa mga lokal na opisyal ng Albay at sinabing sapat na ang suportang ibinigay ng national government sa kanilang pangangailangan.

“I spoke also to the governor and sabi naman niya that lahat ng needs ng Albay so far ay mayroon tayong suportang binigay…. Unfortunately, we are used to Mayon, but never mind, we are able to minimize the effects of the ashfall that is going into certain populated areas at ‘yun ang inaalala natin,” ayon sa Punong Ehekutibo.

(Nakausap ko na ang gobernador at sabi naman niya lahat ng pangangailangan ng Albay so far ay mayroon tayong suportang binigay….Unfortunately, nasanay na tayo sa Mayon, pero di bale na nagawa naman nating maibsan ang epekto ng ashfall na tumutumbok sa matataong lugar at ‘yun ang inaalala natin.)

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na pangunahing prayoridad ang kalusugan ng mga residente, na kasalukuyang tinutugunan ng gobyerno.

“The first concern, of course, is the health – health concerns. And we were able to bring out the people who were in the danger area,” ayon sa Pangulo.

(Pangunahin nating inaalala ang kalusugan—pangkalusugang pangangailangan. At nagawa nating ilikas ang mga tao na nasa delikadong lugar.)

“We were able to support them with medical attention. And now, we are working on opening all the thoroughfares para lahat ng mga kailangang pumasok ay makapasok. Lahat ng kailangang lumabas ay makalabas,” dagdag pa ng Pangulo.

(Nagawa natin silang suportahan at serbisyong medikal. At ngayon, ikinakasa na natin ang pagbubukas ng mga daanan para sa lahat ng mga kailangang pumasok ay makapasok. Lahat ng kailangang lumabas ay makalabas.)

“Huwag lang magbuga ulit. Kung hindi na magbuga ulit… mabuksan na natin ang mga ano, mga thoroughfares pasok labas doon sa area,” sinabi rin ng Pangulo. | PND

the noblest motive is the greatest good for the greatest number