Parade of Lights

LUNGSOD NG TANAUAN, Batangas – Muli na namang naipamalas ng sambayanang Tanaueño ang likas na pagkamalikhain at talento nito makaraan ang ikaapat na pagtatanghal ng “Parade of Lights.”

Pinuno ng mga turista at manonood ang kahabaan ng J.P. Laurel Highway at A. Mabini Avenue na matiyagang nag-abang sa tatlumput-tatlong mga makukulay at nagliliwanag na floats na nag-umpisang pumarada pagkagat ng dilim noong nakaraang Sabado, Marso 11.

Photo Courtesy: Jun Mojares | CIO Tanauan

Pinuno ng mga turista at manonood ang kahabaan ng J.P. Laurel Highway at A. Mabini Avenue na matiyagang nag-abang sa tatlumput-tatlong mga makukulay at nagliliwanag na floats na nag-umpisang pumarada pagkagat ng dilim noong nakaraang Sabado, Marso 11.

Matapos ang matagumpay na pagsasagawa ng kauna-unahang Parade of Lights noong 2014, naging tampok na ang paradang ito taon-taon bilang pangunahing atraksyon sa pagdiriwang ng anibersaryo ng cityhood at foundation ng lungsod.

Sa ikatlong sunod na pagkakataon, muli na namang namayagpag ang entry ng Wrap & Carry Supermarket na may temang Under the Sea. Hinirang naman bilang 1st runner-up ang fairytale-themed float ng Citimart- TJ Marc Sales Corporation. Hindi naman nagpahuli ang namumukod tanging Peacock float ng Tanauan Institute Batch ’87 na nakakopo ng 2nd runner-up. Ginawaran naman ng special awards ang Torres Group of Companies bilang ‘Best in Craftsmanship’ at First Asia Institute of Technology and Humanities (FAITH) bilang ‘Best in Special Effects’. Bukod sa pagwawagi ng Best Float, nasungkit din ng Wrap & Carry Supermarket ang ‘Most Creative Design’ award.

Bukod sa mga floats, lubos ding hinangaan ng mga manonood ang katangi-tanging presentasyon na inihanda ng street dancers mula sa Christian College of Tanauan, Tanauan Institute at tambalan ng City Government at DepEd- Tanauan.

Lalo pang nagpatingkad ng pagdiriwang ang mga celebrity judges na sina Nikko Natividad ng sikat na grupong Hashtag, Keanna Reeves, Joel Cruz, at Jobert Sucaldito. Nagpakilig naman sa kanyang special performance ang Kapamilya heartthrob na si Khalil Ramos.

Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Antonio C. Halili sa lahat nang naghanda, nakiisa, at dumalo sa nasabing pagdiriwang. Siniguro niyang mas pagagandahin at paghahandaan pa lalo ng lokal na pamahalaan ng lungsod ang Parade of Lights sa mga susunod na taon.

Nagdiwang ang lungsod ng Tanauan ng ika-16 na cityhood at ika-445 na founding anniversary noong Marso 10, 2017.

 

the noblest motive is the greatest good for the greatest number